Gusto Mong Magsulat?

Marius Carlos, Jr.
3 min readAug 18, 2021

Kung may nagsabi sa iyong masayang magsulat, o masaya ang buhay ng mga manunulat, malamang sinungaling ang nakausap mo. Kung hindi man sinasadyang magsinungaling, baka naman binigyan ka ng ‘white lies’ para hindi niya matapakan ang mga pangarap mong maging manunulat, o magsulat paminsan-minsan. Ang katotohanan ay napakalungkot ng bokasyon/disiplina ng pagsusulat. Ang una mo kasing makakalaban, ang pag-iisa. Kahit marami kang kasama sa bahay, may pag-iisang alam mong hindi mo matatakasan. Kaya ang mga manunulat, madalas ay parang lito at ‘distracted.’ Marami silang sinasabi at ginagawa. Ganito sila kasi iniiwasan nila ang death trap ng pag-iisa, na maraming kapatid: si kalungkutan, si katamaran, at minsan pa nga, ang kambal na si galit at si poot. Magkakasama ang mga ‘yan, naku. Hindi nalalayo sa isa’t isa. Solid ang samahan, kumbaga. Ayan, gusto mo pa ring maging manunulat?

Kung hindi pa rin kita nasaway sa pagsusulat, good.

Dahil ang pagsusulat ay hindi naman para sa sarili. Ang pagsusulat ay parang panganganak. Hindi ka naman nakipagniig sa mga ideya at sa sarili mo dahil lang gusto mo. May gusto kang sabihin, may naiisip ka, at malamang ay may gusto ka ring patunayan sa mundo. Ang mga akda ng manunulat ay hindi kailanman pag-aari ng mga awtor nito. Ang awtor ay lagusan lamang ng mga ideya, parapo at mga linya ng tula at kanta. Matapos ipanganak sa mundo, may sarili na dapat buhay ang akda, at titindig o babagsak itong kusa, ayon sa pagkakabuo dito. Wala nang “K,” kumbaga, ang awtor. Estsa-puwera na ang awtor. Doon ka sa likod, sa malayo, para magkaroon ng espasyo ang iyong akda. Hayaan mong subukin ng mga taong batuhin at tapakan ito, kung nais o kaya nila. Sapagkat ang akda ay hindi nasasaktan, hindi ito namamatay. Hindi ito nakararamdam. Maraming kayang gawin ang akda, ngunit ang pagkakaroon ng pakiramdam at pagkamatay ay hindi kasama sa mga kakayahang ito.

Kaya huwag ka sanang matakot para sa iyong mga akda. Dahil kung natatakot ka, ginagawa mong bahagi ng iyong kalakhang Sarili ang iyong mga sinusulat, kahit hindi naman dapat. Ang mga akdang sinulat ay hindi bahagi ng iyong balat, o kahit ng iyong kaluluwa. May sariling kaluluwa, laman, buto at balat ang mga akda. Buhay ang akda sa puntong basahin ito ng ibang tao. At ubos-lakas itong mabubuhay sa ngalan ng mga iniwan mong ala-ala sa iyong pagsusulat.

Ito ang humahatak sa mga manunulat paulit-ulit. Ang imortalidad ng mga ideya, at mga mensaheng nais nilang mamutawi mula sa mga akda, kahit ilang taon na silang namatay. Habang may sirkulasyon ng mga akda, at habang may paraan na makita ang isinulat, may pag-asang makararating ang mga mensahe sa mga mambabasa. At karamihan ng mga manunulat, masaya nang mabasa. Nauunawaan nilang hindi para sa kanila ang kanilang isinusulat. Ang pagsusulat ay pag-reregalo ng sarili sa mundo, sa kasaysayan, at sa hinaharap.

Gusto mo pa rin bang magsulat?

Marius D. Carlos, Jr. is a storyteller, essayist, and journalist. He is an independent researcher focused on transnational capitalism, neocolonialism, empire, and pop culture. Contact him for writing projects. Connect with him on Facebook. Email Marius:

Originally published at http://voxpopuliph.com on August 18, 2021.

--

--

Marius Carlos, Jr.

Author, editor and freelance professional. For copywriting and content SEO: contentexpertsph.com